"Wow, full moon na pala!" nasabi ko bigla. Mabilis akong naglalakad sa harap ng Sampaguita Residence Hall at halos madapa na 'ko sa mala-buwang sidewalk. Nakakapit ang kanang kamay ko sa strap ng backpack kong tila ilang tonelada ang bigat, gayung tatlong blue book at isang organizer lang naman ang laman. Ang kaliwang kamay ko naman ay may hawak na Philippine Collegian.
Huwebes, papunta akong Sunken Garden. Letseng Joselito, ilang message pa ang pinadala sa pager ko, mang-iindian naman pala! Magpapatulong daw siya sa term paper nila. Pa'no ko naman sila matutulungan, eh sarili kong term paper, nagkandarapa na 'ko?
Teka, bakit parang hindi pa buo 'yung buwan? Hindi, polusyon lang siguro 'yan. O kaya naman, mali ang mga narinig ko kahapong full moon na daw ngayong gabi.
'Africa,' sabi ng road sign sa tapat ng Elementary Building. Sa likod nito nagtago ang buwan.
"Hay naku, 'pag wala ang barkada ko sa Sunken, dating gawi na lang. Tambay sa National Bookstore, tapos tsibug sa Jollibee. Tama, bibilhin ko na rin 'yung tape ni Fiona Apple," bulong ko sa sarili.
Nakalagpas na ako ng Educ Building. Langhap ko na ang amoy ng damuhan sa may Sunken. Pag tawid ko, napansin kong walang katao-tao sa Sunken. "Bakit kaya?" tanong ko sa sarili habang tumitingala. Ayun na naman ang buwan, pasilip-silip sa likod ng mga nagsasayawang mga sanga.
"Ba't parang ayaw kang makita ng mga tao?" Dahil wala ang barkada, sibat na 'ko.
Pag sakay ko ng jeep ay taken na ang paborito kong puwesto, yung sa dulo. Hindi tuloy ako makakapagmuni-muni. Kapag bilog nga naman ang buwan, ang daming puwedeng mangyari. Malas, suwerte, lahat lahat na! Sabi pa nila, 'pag bilog ang buwan, ang ilan sa atin ay nagkakaro'n ng mga kakaibang kapangyarihan, superpowers! Ano kaya ang sa'kin ngayon, powers to attract bad luck? Palagay ko nga.
Mabagal na umandar ang jeep sa tapat ng Narra Residence Hall. Paglagpas nito sa Shuster Street ay biglang umarangkada si manong driver. Nagmukha tuloy kaming mga malalambing na sosyalerang nakadikit sa katabi at bali ang leeg. Mamaya pa'y inertia goes to work.
Nang masanay na ang mga pasahero sa bilis ng takbo ni manong driver ay biglang may pumarang tila wala nang bukas. Kinalampag niya ang bubong kaya't binira naman ni manong ang break na parang may tinatapakang ipis. Nagkagulo ang mga pasahero at maraming manyakis ang natuwa.
Pababa na ang pumara at pabalik na sa normal ang mga buhok ng pasahero nang mapansin kong ang babae palang nakaupo sa harap ko ay -hithit ng hangin- si Ms. Universe ng buhay ko! Well, full moon's not so bad after all! Syempre, ayos ng buhok, ayos ng kuwelyo, ayos ng lahat na puwedeng ayusin.
Sa kakaayos ko, di ko nahalatang nakatitig pa rin ako sa kaniya. Oops, tiningnan niya rin ako. Patay, nakaayos kaya buhok ko nu'n? Naku, ayan na naman, tuloy-tuloy na sulyap! Maaaring na-i-in love na siya, o kinikilatis niya ang bawat tigyawat sa mukha ko. Hindi, na-i-in love na ito! Sana lang, sa National din siya papunta at malapit na kong pumara.
"Para ho!" sigaw ko kay manong driver sa pinakamababa't pinakamacho kong boses. Sa sobrang baba ay halos sumayad na ang baba ko sa kalsada. 'Pag baba ko, lingon agad sa jeep para magpapogi kay Ms. Universe. Kaya lang, bakante na ang inuupuan niya. Ayun na pala siya, naunahan pa akong pumasok sa National. Pag sinusuwerte ka nga naman! Buti na lang, full moon!
Derederetso siya, sunod naman ako. Bakit grabe ang init at lagkit ng pawis na bumabalot sa dibidib ko? Sira siguro ang mga aircon dito! Ilang hakbang lang ang layo ko sa kaniya. Kumaliwa siya, kumanan, at biglang tumigil sa may 'Study Guides.'
Syempre, tigil rin ako. Ano ba 'tong nasa tapat ko? 'TV Movie Tie Ins.' Contact, Rambo, Men in Black, napanood ko na lahat 'to ah! Ito na lang mga katabi. Temptation's Kiss, A Night of Lies, The Dream. Hahaha! Tumindig ang mga balahibo ko! Hindi naman siguro niya 'ko nakitang nagtitingin dito. Mali pala. Kitang kita niya 'ko. Ngumiti pa nga siya. Teka, ngumiti! Oo, ngumiti siya! Sa'kin! Tumindig na naman ang mga balahibo ko!
Lumipat siya ng shelf. Lumapit naman ako. The Prophet, paborito ko ito. Hinablot ko na para isipin niyang may bibilhin talaga 'kong libro. Tapos, lapit ulit. Nasa may 'Astrology and the Occult' na siya. Patay, mangkukulam pa yata itong natipuan ko.
Paakyat siya. Habol naman ako. Nagmamadali siya. Iniiwasan ba niya 'ko? Nasa may computer manuals na siya, ako naman, kunwari'y bina-browse ang libro sa pagitan ng mahahaba kong mga hakbang.
Pag dating niya sa dulo, dali-dali siyang bumaba sa hagdan. Akala siguro niya para itong pelikulang suspense kung saan pag baba ko ay nowhere in sight na siya.
Pag baba ko, wala na nga siya! Ikatlong beses nang tumindig ang mga balahibo ko! Ginamit kaya niya ang magic na napag-aralan niya sa 'Astrology and the Occult' kanina para iwasan ako?
Hindi, natatakpan lang pala siya ng mga canvas. Ayun siya, nakayuko sa may 'Philosophy.' Lumapit na naman ako.
Wala nang hiya hiya, tinabihan ko siya. Bigla siyang tumingala.
"Sa'n mo nakuha 'yan?" Nagulat ako. Alin, 'tong mga tigyawat ko? Isip, Ronald, isip!
"'Yang hawak mong libro." Saka ko lang naalalang bitbit ko pa pala 'yung hinablot kong kopya ng The Prophet.
"Ah ito! Dun, sa may 'Poetry,' 'lika, turo ko sa'yo."
Wow, pare, amats! Nakausap ko rin siya, at ngayon, sinusundan pa niya 'ko! Kulang na lang mag-holding hands kami sa gitna ng mga shelves patungong 'Poetry.' Binagalan ko tuloy para malasap ko ang bawat sandali!
"Eto, pumili ka na lang." Kinuha niya 'yung pinakamalinis at tumingin muli sa tigyawatin kong pagmumukha.
"Do we know each other?" Nice, magaling pumili si Ms. Universe ng pick up line! "Your face looks so familiar. Tama, nasa UP Theater ka ba last Thursday? Ikaw yata 'yung may hawak na clipboard tapos pinapaalis mo 'yung mga tao sa guests' row."
Olats pare, hindi pala pick up line 'to.
"I was there," patuloy niya, "I was panelist number two!"
"Oh yeah! you're that girl! I remember!" pambobola ko naman. "What was your question for Enrile again?" Medyo natulala siya.
"Actually, I only asked Mayor Lim." Mali!
"Right!...you with someone?" Tanong ko pa daw kahit pareho naman naming alam na sabay kami sa jeep kanina.
"Yeah, I was with my Dad. He left earlier than me, though, because--"
"--No, I mean now," sabat ko bigla.
"No...I'm not...Why?" tanong niyang nakatingin sa'kin na tagilid ang ulo at halos magkasalubong ang kilay.
"Well, I'm gonna have dinner. You wanna join me?" Bilib talaga 'ko sa'yo Ronald. Humahataw sa kabilugan ng buwan!
"Sure...soon as I pay for this," sagot niyang parang napapangiti na parang nasha-shock.
"I have to buy something too. Meet you at the entrance?" sabi ko.
"Yeah, at the entrance," sagot niya, in a trance.
Dali-dali kong binili 'yung tape ni Fiona tapos deretso na sa entrance para hindi ko siya paghintayin. Pag dating ko'y andun ni si Ms. Universe, hinihintay na ang kaniyang Mr. Universe.
"I'm sorry but I didn't get your name," tanong ko. Bakit grabe manginig ang mga tuhod ko? Nakatodo siguro ang mga aircon dito!
"I'm Twinkle." At bigla akong humalakhak habang palabas kami ng National. "That's a joke, right?"
"No." At biglang tumahimik ang gabi.
"I'm Ronald." At pumasok na kami sa Jollibee.
Matapos kunin ang order, umupo na kami. Nasa kanan ko ang bintana. Napansin ko na naman ang buwan, nakasilip sa'min. Sinimulan ko nang atakihin ang burger steak ko. Kung hindi pa nagsalita si Twinkle ay 'di ko pa maaalalang may kasama pala ako.
"So, do you like Kahlil Gibran too?" tanong niya.
"Like him? He's my favorite! Pero may kopya na 'ko ng The Prophet. Kino-compare ko lang kanina. Hindi kasi ganun 'yung sa'kin eh." Sure!
"What did you buy then?" tanong niya.
"'Yung latest album ni Fiona Apple, 'yung Tidal. Do you know her?"
"I've heard of her," sagot niya. Halatang never heard siya kay Fiona. "They say she's emotionally unstable." O, siniraan pa, ang aga naman magselos nito. Paselosin pa nga natin.
"Yeah, but I think she's beautiful! Although mas maganda siya sa isang magazine na nakita ko. It was Extra, I think. They gave me one last time I bought a tape." Speaking of time, alas otso na pala. Madalang na ang Ikot Jeep.
"So, puwede ba kitang ihatid?" at tumingin siya bigla sa labas, tila naghahanap ng isang magarang kotse. "I don't have a car, if that's what you're looking for."
"I know. Sabay tayo sa jeep kanina 'diba?" at biglang parang bula akong nawala sa balat ng lupa. "I'm looking for my Dad's car. He's gonna pick me up here. Kung nandiyan na siya, I can give you a lift instead."
"Nakakahiya naman. Mauna na lang ako, wala na kasing Ikot Jeep by now. Next time na lang...if, there's a next time." Naks, suwabe!
Patayo na ako nang ngumiti siya at sinabing "You bet!" sabay abot sakin ng piraso ng papel.
Sapat na itong palutangin akong parang bula palabas ng Jollibee.
Nasa labas na ako ng Jollibee pero nasa loob pa rin ang tingin ko. Hindi mapaghiwalay ang mga mata namin kahit paakyat na ako ng overpass. -Aray- Napatid ako sa hagdan. Tayo ulit. Ayun pa rin siya, katitigan ko pa rin. Ngumiti ako. Ngumiti rin siya. Kumaway ako. Kumaway rin siya. Pero eto na, kelangan ko nang tumalikod para tawirin ang ilang milyang overpass na ito.
Tinakbo ko, tinakbo ko hanggang sa kabilang dulo ng mundo. Nagmadali akong bumaba sa kabilang gilid ng kalsada. Tinalon ko na lang ang mga huling hakbang habang mahigpit na hawak ang piraso ng papel kung saan nakasulat ang number niya. Pag tingin ko'y nakatayo na siya. Kasama na niya ang tatay niya. Lumabas sila ng Jollibee at sumakay sa isang MB. Pero bago siya pumasok sa sasakyan, tumingin muna siya, sa huling pagkakataon, sa aking mga mata. Tapos, umalis na ang sasakyan nila.
"Umalis na sila," sabi ko sa buwan. At nginitian ko siya.
"Para sa'n 'yan?" tanong ko kay Oddelle pag dating ko sa bahay.
"Full moon na bukas, magii-star-gazing kami nila Mischa."
"Anong bukas? 'Diba ngayon ang full moon?" tanong ko habang iniisip ang mga pangyayari, mga pangyayaring sa kabilugan lang ng buwan posible.
"Bukas pa 'yun, tanungin mo pa kay Daddy. Tsaka dumungaw ka lang sa bintana, kita mo naman yung tapyas sa gilid."
Silip naman ako. Oo nga, hindi pa siya bilog. Kulang pa. Bukas pa. Pero ang sarap niyang tingnan. Kaya't pinagmasdan ko pa siya nang ilang minuto. At nginitian niya 'ko.
rondevera | 12MAR98
Just for context, I wrote this when I still self-identified as heterosexual. This was 13 years ago. Notice reference to pagers and (cassette) tapes, and the Jollibee on Katipunan Ave (where Mushroom Burger House now stands).
Recent Comments